MANILA, Philippines —
Katanggap-tanggap para kay Senate President Vicente Sotto III ang hatiang 60/40
sa makukuhang langis sa West Philippine Sea kung saan 60 porsiyento ang
mapupunta sa Pilipinas at 40% ang sa China.
Naniniwala si Sotto
na panahon na para magkaroon ng “joint exploration” sa West Philippine Sea
upang malaman kung ano ang makukuha dito na hindi naman ito kayang gawing
mag-isa ng Pilipinas.
Imposible rin aniyang
may langis na nakakuha sa ibang bansa sa Asia pero wala sa Pilipinas kaya mas
mabuting malaman na kung ano ang nasa ilalim ng WPS.
“As a matter of fact,
it is about time sapagkat hindi naman natin kaya on our own pero napakatagal ng
panahon niyang yung kabuuan ng Asia, bakit lahat ng mga kapitbahay nating mga
bansa, ay merong langis? Imposible namang magbato ang Panginoong Diyos ng
langis sa Asia, Pilipinas lang ang iniwasan. Impossible, kaya tiyak na meron.
Ngayon ang problema, hindi natin kayang mag-isa,” sabi ni Sotto.
Naniniwala rin si
Sotto na positibo ang naging pag-uusap nina Duterte at Xi tungkol sa joint
exploration.
Nilinaw ni Sotto na
wala pang detalye ang Memorandum of Understanding kaya hindi ito dapat husgahan
kaagad ng mga nagsasabing ipinamimigay na ng gobyerno ang teritoryong pag-aari
ng bansa.
Naniniwala rin si
Sotto na kung matutuloy ang 60/40 na hatian, ipinahihiwatig nito na kinikilala
ng China na pag-aari ng Pilipinas ang WPS.