MANILA, Philippines — Inutos ni Pangulong Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pansamantalang pamunuan ang Bureau of Customs (BOC) sa gitna ng isyung bilyung-bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang naipuslit umano sa bansa.
Binitawan ni Duterte ang pahayag noong Linggo sa talumpati niya sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating Foreign Affairs secretary Alan Peter Cayetano sa Davao City, ilang araw matapos din niyang italagang pinuno ng Customs ang isang dating hepe ng militar.
“It will be a takeover of the Armed Forces in the matter of operating, in the meantime, while we are sorting out how to effectively meet the challenges of corruption in this country,” sabi ni Duterte.
Ipinag-utos ni Duterte noong Huwebes ang paglipat kay dating Customs Commissioner Isidro LapeƱa sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at pagtatalaga kay dating AFP chief of staff Rey Leonardo Guerrero bilang bagong pinuno ng BOC.
Ayon kay Duterte, gusto niyang magtalaga pa ng mga sundalo sa BOC si Guerrero. Gusto rin ni Duterte na mga sundalo ang nasa X-ray division unit na sisilip sa mga container na pumapasok sa bansa sakaling naglalaman ang mga ito ng mga kontrabandong gaya ng ilegal na droga.
Isinailalim niya rin sa “floating status” ang karamihan sa mga tauhan ng Customs dahil dawit daw ang marami sa kanila sa mga kaso ng katiwalian.
“The Coast Guard will take care, all Customs police are also on floating status. Everybody,” sabi ni Duterte.
“Almost all of them there have been, in one way or the other, been charged of corruption. Lahat sila may kaso. And yet we cannot just move on because you want to be lawfully correct. So dahan-dahan lang tayo,” anang Pangulo.
“But with this kind of games they are playing, dirty games, I am forced now to ask the armed forces to takeover.”
Nangyari ang pagbalasa ng mga tauhan sa Customs matapos matagpuan noong Nobyembre sa Cavite ang apat na magnetic lifters na hinihinalang naglalaman ng shabu.